Si Nanay ay nasa bahay pag-uwi namin galing sa paaralan; Walang mga bakod at gate ang magkakapit-bahay, kung meron, gumamela lang; 10 sentimos o diyes lang ang baon: singko sa umaga, singko sa hapon; Merong free ang mga patpat ng ice drop: buko man o munggo. Pakikinig ng drama sa radio, tulad ng Simatar, Kapitan Radam, mga liham kay tiya Delly at sa gabi naman ang gabi ng lagim tinatakpan ang iyong tenga kapag naririnig mo ang alulong ng aso…. Naa-alala mo pa ba?
Mataas ang paggalang sa mga guro at ang tawag sa kanila ay Maestro/a: Di binibili ang tubig, pwedeng maki-inom sa di mo kakilala. Malaking bagay na ang pumunta sa ilog para mag-picnic, o kaya sa tumana; Grabe na ang kaso pag napatawag ka sa principal's office o kaya malaking kahihiyan kapag bagsak ka sa exams; Simple lang ang pangarap: makatapos, makapag-asawa, mapagtapos ang mga anak...
Pwedeng iwan ang sasakyan at ibilin sa hindi mo kakilala; wala namang lock ang mga jeep na Willy's noon. Mayroon kaming mga laruan na gawa namin at hindi binili: trak-trakan (gawa sa rosebowl ang katawan at darigold na maliit ang mga gulong, "sketeng" (scooter) na bearing na maingay ang mga gulong at de-sinkong pako para sa preno; patining na pinitpit na tansan lang na may 2 butas sa gitna para suotan ng sinulid (pwede pang makipag-lagutan) ; sumpak, pilatok, boca-boca, borador, atbp. Di nakikialam ang mga matanda sa mga laro ng mga bata: kasi laro nga iyon. Maraming usong laro at maraming kasali: laste, gagamba, turumpo, tatsing ng lata, pera namin ay kaha ng Philip Morris, Malboro, Champion (kahon-kahon yon!) May dagta ang dulo ng tinting na hawak mo para makahuli tutubi, nandadakma ka ng palakang tetot, pero ingat ka sa palakang saging dahil sa kulugo; Butas na ang sakong ng Spartan mong tsinelas - suot mo pa rin; Namumugalgal ang pundiya ng kansolsilyo mo kasi nakasalampak ka sa lupa. Sa modernong buhay at sa lahat ng kasaganaan sa high technology.. . di ba minsan nangarap ka na rin... mas masaya noong araw!
Sana pwedeng maibalik... Takot tayo ngayon sa buhay. Kasi maraming napapatay, nakikidnap, maraming addict at masasamang loob... Noon takot lang tayo sa ating mga magulang at mga lolo at lola. Pero ngayon, alam na natin na mahal pala nila tayo kayat ayaw tayong mapahamak o mapariwara.. .. Na una silang nasasaktan pag pinapalo nila tayo... Balik tayo sa nakaraan kahit saglit... Bago magkaroon ng internet, computer, at cellphone. Noong wala pang mga drugs at malls. Bago pa nauso ang counter strike at mga game boys.
Tayo noon...
Doon ...
Tinutukoy ko ang harang taga o tumbang preso kapag maliwanag ang buwan; Ang pagtatakip mo ng mata pero nakasilip sa pagitan ng mga daliri pag nanonood ka ng nakakatakot sa "Mga Aninong Gumagalaw" Unahan tayong sumagot sa Multiplication Table na kabisado natin, kasi wala namang calculator. Pag-akyat natin sa mga puno; pagkakabit ng kulambo, lundagan sa kama ; Pagtikwas o pagtitimba sa poso; pingga ang pang-igib ng lalake at may dikin naman ang ulo ng babae; Inaasbaran ng mga suberbiyo; Nginig na tayo pag lumabas na ang yantok-mindoro o buntot-page. Nai-sako ka rin ba? O kaya naglagay ka ba ng karton sa pwet para hindi masakit ang tsinelas o sinturon?
Pamimili ng bato sa bigas; tinda-tindahan na puro dahon naman; bahay-bahayan na puro kahon; naglako ka ba ng ice-candy o pandesal noong araw? Karera sa takbuhan hanggang maubos ang hininga; pagtawa hanggang sumakit ang tiyan; Meron pa bang himbabao, kulitis at pongapong? O kaya ang lukaok, susuwi at espada?
Susmaryosep ang nadidinig mo pag nagpapaligo ng bata... Estigo santo kapag nagmamano. Mapagod sa kakalaro, minsan mapalo; matakot sa "berdugo" at sa "kapre"; Tuwang-tuwa kami pag tinalo ang tinale ni itay kasi may tinola!
Yung crush mo?
Pag recess: mamimili ka sa garapon ng tinapay -alembong, taeng-kabayo o biscocho? Pwede ring ang sukli ay kending Vicks (meron pang libreng singsing) o kaya nougat o karamel; Kung gusto mo naman - pakumbo o kaya kariba, mas masaya kung inuyat; Puriko ang mantika, at mauling na ang mukha at ubos na ang hininga mo sa ihip kasi mahirap magpa-rikit ng apoy.
Madami pa... Masarap ang kamatis na piniga sa kamay at lumabas sa pagitan ng daliri para sa sawsawan; ang palutong pag isawsaw sa sukang may siling labuyo; ang duhat kapag inalog sa asin; ang isa-sang isubo ang daliri kasi puno na ng kanin... Halo-halo: yelo, asukal at gatas lang ang sahog; Sakang ang lakad mo at nakasaya ka kasi bagong tuli ka; o naghahanap ka ng chalk kasi tinagusan ang palda mo sa eskwelahan.
Lipstick mo ay papel de hapon; Labaha ang gamit para sa white-side-wall na gupit; Naglululon ka ng banig pagkagising; matigas na amirol ang mga punda at kumot; madumi ang manggas ng damit mo kasi doon ka nagpapahid ng sipon, di ba? Pwede rin sa laylayan... May mga program kapag Lunes sa paaralan; May pakiling kang dala kung Biyernes kasi magi-isis ka ng desk. Di ba masaya? Naalala mo pa ba? Wala nang sasaya at gaganda pa sa panahon na yon... Masaya noon at masaya pa rin tayo ngayon habang ina-alaala iyon... Di ba noon... Ang mga desisyon ay ginagawa sa awit na "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?" Pag ayaw ang resulta di ulitin: "sino ba sa dalawang ito? Ito ba o ito?"... Awit muna: Penpen de Serapen, de kutsilyo, de almasen. How how the carabao batuten... Presidente ng klase ay ang pinakamagaling, hindi ang pinaka-mayaman; Masaya na tayo basta sama-sama kahit hati-hati sa kokonti; Nauubos ang oras natin sa pagku-kwentuhan, may oras tayo sa isat-isa; Naaasar ka kapag marami kang sunog sa sungka; kapag buro ka sa pitik-bulag o matagal ka ng taya sa holen. Yung matatandang kapatid ang pinaka-ayaw natin pero sila ang tinatawag natin pag napapa-trouble tayo. Di natutulog si Inay, nagbabantay pag may trangkaso tayo; meron tayong skyflakes at Royal sa tabi at pahihigupin ng mainit na Royco.
Kung naaalaala mo ito... nabuhay ka na sa KAPAYAPAAN!
Pustahan tayo nakangiti ka pa rin! Kung naka-relate ka sa lahat ng nabanggit sa itaas, ibig sabihin lang niyan ay.......... ... MATANDA ka na! he he he... pero kung hindi ka maka-relate, padala mo na lang sa akala mo ay kapanahunan nya ito para maalala din niya at mangiti rin siya.
Just wanted to share this message that was forwarded to me by a friend. I'm sure that you can all relate to this . . . :)
7 comments:
Wow! How brilliant! Whoever your friend is who sent you this message, he was surely "there" with us. No one could have known all these things unless he was.
Thank you, Juanito, for "turning back the hand of time" with this post. Yes we remember - fondly, and yes we are agewise matanda na, but we feel very young at heart`. you have taken us back to those wonderful days of blissful innocence. What fun! How precious!
Thanks to your friend, too. Any chance we'd know his name?
Juanito,
(Puntong Orion mo basahin ang comment ko)
Ay kaganda naman ng post mo na ito.Habang binabasa ko ay napapangiti ako kasi lahat ay totoo.Ay talaga namang kay sarap balikan ng mga nakaraan,lalo na at tulad ng mga nasa listahan mo.Siguro ay napapatunganga ang mga hindi makarelate dito.Naku salamat ,Juanito,naaalala ko tuloy ang Tiya Alicia.
Juanito, I have no doubt your friend is from Orion. I was a participating witness to all of those rarities!
Kasi ang palagay ko lahat nang iyon ay sa Orion baga! (Puntong Udyong, like Lucille)
Bro. Johnny pinahanga ako ng
kaibigan mo "ay", iyan ang natural
na puntong udyong, hindi ba't
sinasabi nga na ang tilaok ng
manok sa Udyong ay ganito:
kok kokook "ay"! Ako,y nangingiti
rin habang binabasa ko, kasi
yong paglalagay ng karton sa
puwit ay gawain ko kapag ako,y
pinapalo.Idagdag pa rin seguro
natin diyan yong musikong buho
o bumbong, patubig(patentero)
at saka yong Indo, yong taguan
sa gabi, kapag ikaw ang taya
hahanapin mo yong mga kalaro mo
kadalasan yong iba hindi makita
kita, yon pala natutulog na "ay"
(ha! ha! ha!). Sino ba siya Bro.
Johnny, baka nakakalaro ko siya
"ay".
Sino ba ang makakalimot sa mga ito samantalang ito ang pinakamasayang parte ng ating buhay. we were all eyewitnesses to all these,at least most of us.i can still recall how we as young kids would go to the farm(hulo)with my grandparents where they planted watermelon,peanuts,mangoes,kamote,kamoting kahoy,bananas etc.gustong gusto ko yun dahil masarap kumain ng baguong,kamatis at tuyo duon sa bahay kubo.tapos ang sarap sarap ng hangin.tapos yong mga laro sa liwanag ng buwan,tulad ng bilog matsing,bong,patentero,etc,etc.tapos pupunta sa dagat para manghuli ng alimasag,mamulot ng talaba,halaan,etc. pagkatapos naman ng anihan ng palay ay mangaaklat ng palaka.hindi ba masarap ang palaka na ginisa sa kamias?tapos,sinigang na balay,paros at saka yung pulid pulid na talaba at isasawsaw sa sukang may siling labuyo.masarap din ang sinigang na dalag na may halong murang saging na saba.kung minsan naman ay inihaw na hito na isasawsaw sa kalamansi at patis.how about apulid pag may mga fiesta?tapos yung kaligay na sinusuwit ng tinik ng aroma.nakatikim ba kayo ng adobong uwang at lukton?tapos inihaw na sikla?don't you ever think that those are gross dahil nuong araw ay masasarap ang mga iyan.yung kapatid kong mas bata sa akin may isinilid sa sako dahil nahuling nagnanakaw ng bayabas.up to this day natatandaan pa nuong bata.tapos may ipinako pa sa krus,tapos hinubuan ng shorts,nang makawala,hinabol ng taga ang kapatid ko.gabi na ay hindi pa umuuwi dahil sa takot.but you know what?nuong umuwi ako last may walang ipinagbilin sa akin yung dalawang yun kung hindi pauwiin si kuya boy nila dahil miss na miss na raw nila at matagal nang hindi nakikita.it only means nasasabik din nilang gunitain ang masasayang araw na nagdaan na kahit anong gawin natin ay di na muling magbabalik.we just have to be thankful that we were able to experience and be a part of those yesteryears.marami pa akong naaalala peru next time na lang at sobra na ang haba nito.
What a nice article, Johnny! This really brought back some great moments of growing up in Orion. Thanks for this brilliant piece. I was thinking the same way as Mike and Ernie. I do believe your friend who created this article is from Orion, too. Well done, Johnny...
Juanito, As I am reading this article I am really smiling up to the end as all these are true. Thanks for posting this article from a friend of yours.
Post a Comment