After few months of not opening our blog, I have the chance to do so this afternoon while my dennis the menace attends the church with hismom and dad. And I was so napahiya when I read Aidas poem and the panawagan of Jo. Naantig ako ng pagiging tulera ni Aida at ng pagmamakaawa ni Jo, so kahit magkandahulog ako sa pagabot ng aking baul ay kinuha ko ang piece na ito na sinulat ko way back 80s pa to share with you.
NASAAN ANG GUNITA
Aboard
Northwest Orient
Flight 747
Mahal kong Ama,
Tatlong oras na lang tatlong mahahabang oras na lang ang aking ipaghihintay upang ang gulong ng dambuhalang ito ay sumayad sa lupang aking kinasasabikan. Mula sa Chicago Airport,na kanyang pinagmulan may 17 oras na ang nakararaan para ko pang naririnig ang ugong ng kanyang makina,. Bumibingi,tumutulig na may kahalong kasiyahan.ah ano nga ba ang dumadagundong na kasiyahang hatid ng mga walang kawawaang ingay/
Alam ko na , Ang Bagong taon Ama, ang Bagong Taon sa ating bayan. Natatandaan ko pa Ama kung paanong sinasalubong ng mga taga Orion ang pagdatal nito. Hindi bat akoy madalas sumama sa trak ni Ka Inong na nagpapasyo sa buong bayan?hawak koy butas na batya ni Inang na ubos lakas kong kinakalampag,hila naman ng trak ang isang lata na ang ingay na gawa ay nakikisaliw sa ingay ng mga labintador at luses na noon ay di pa ipinagbabawal.
Sino ang makalilimot sa linamnam ng halya at sarap ng sumang ginawa ni inang kasama ang dinuguan at pancit luglog,mga simbulo raw ng mahabang buhay at kasaganaan ng papasok na taon.
Ang pista ng Orion Ama? Masaya pa rin bang tulad ng dati? Ilan na nga bang banda ang inupahan noong huling pista diyan? Tila ang tanda ko ay pito at sabi ninyo ay pinakakaunting bilang iyon ng banda ng musiko sa kasaysayan ng Orion.
Uso pa rin ba ang paghahanda ng marami? Natatandaan ko pa ang pagpapakain ko ng baboy na ating kakatayin sa bisperas ng pista. Paano ba naman kayo takot na takot mapahiya sa mga bisita na dumadagsa sa bahay natin. Bale ba dumarating ng bisperas at sasabihing makikinig ng serenata at manonood ng La torre sa kaarawan ng pista,ano pa nga ba ang matitira sa handa natin?
Di ba kung minsan inuutangan pa kayo ng pamasaheng pauwi dahil naubos daw ang pera sa perya pero saan ka natalo lang sila sa beto beto at bingo sa plasa. Eh yong palabas ng mga artista sa plsa kung a nuebe ng Mayo, ginagawa pa ba? Magkano naman ang ambag na hinihingi para sa pista.Ibig mong sabihin Ama ,ginagawa pa ring lahat ito sa kabila ng hirap ng buhay ngayon?Huwag kang magagalit ama Subalit sa panahong ito na mahirap kumita ng pera ang mararangyang pista ay dapat na nating alisin. Sapat na marahil ang pamisa.
Alam kong bilang magsasaka ang marangya at masaganang pista ay paraan ninyo ng pasasalamat kay Apo Ige. Subalit sa palagay kaya ninyo ay masisiyahan ang patron ng ating bayan sa inyong paglustay sa sa isang taong hirap sa loob lang ng isang araw na pagdiriwang. Natutuwa kaya siya na ang pista ay maging kapalit ng paghihirap ninyo sa bukid?
Nabanggit ko ang bukid Ama ang bukid. Hanggang sa ospital na aking pinaglilingkuran ay pinaguusapan at umaabot ang balita tungkol sa kabutihang ibinibigay ng pamahalaan sa mga magsasaka. Ang Orion ba ay inabot na ng programa ng land reform? Ama nakakawala ka na ba sa pagkakatali sa bulid?
Nagngingitngit ako kung magugunita ko ang iyong pakikiusap sa usererong yaon tuwing mangungutang ka ng ipagpapatanim. Saglit na damdaming nawawala tuwing maririnig ko na ang pagbibiruan ng mga mambubunot ng punla at manananim.
Uso pa ba Ama ang palusong sa bukid? Sino ang iyong kinuhang magararo at magsuyod? Sina Tata Ado at ang kanyang pangkat pa rin ba? Kumusta na sila? Kailan ba ako huling nakakain ng sinampalukang manok ni Inang at ng patkot ginaok ni Bertang Bingi? Ito pa rin ba ang ipinakakain sa mga nanlulusungan sa bukid.
At naku,iyon nga palang duman. Natatandaan ko pa Ama ang pagsuba natin sa Bangad para magani ng murang butil ng malagkit. Matiyagang isinasangang ni Inang at pinagtutulungan ninyong bayuhin ni Kuya. Masarap ang duman,malinamnam,manamis namis.Matagal na akong di nakakain noon Ama. Matagal na.Mula pa noong akoy pumasa dayuhang lupa. Ah Ama huah mo ng ulitin ang pagsumbat sa akin. Inaamin ko akoy nakalimot..sa inyo at sa mga ala ala ng aking bayan.
Patawad Ama kung sa pagkamatay ni Inang noong isang Byernes Santo ay di ako nakauwi. Inakala kong labis labis ang dolyar na ipinadala ko noon para sa kanyang libing. Paano nga pala noon Ama,di man lang nakapamasyal sa mga kubo kubo sina Kiko at Ligaya? kawawang mga kapatid ko Kundi marahil nagkasakit si Inang ay kasama sila ng mga kabataan sa pagsama sa prusisyon ng Miyerkules Santo at Biyernes Santo.
Si Tata Kardo nga pala Ama nag gugulong at naghahampas pa rin ba kung huebes Santo? Sino ang mga bagong nagpapasan ng krus ngayon diyan? Ay di nga pala sila makikilala may takip ang kanilang mukha.
Iyon nga palang Subok at Salubong,Ginagawa pa rin ba? Natatandaan mo ba Ama, minsan akoy nanalo sa Subok at naging anghel na nagalis ng lambong ng Mahal na Birhen sa Salubong? Iyon ang pinakamasayang Araw ng Pagkabuhay para sa akin.
Ngunit ang mga araw na iyon ay di na magbabalik. Ang mga sumbat ng ala ala ay tumitimo sa manhid kong katawan. Kinikilala ko ang aking pagkakamali ang aking kawalang utang na loob sa inyong hirap ni Inang.
Hindi naman ako masamang anak,di ba? Nagpapadala naman ako ng dolyar. Di bat nakapagpatayo naman kayo ng maayos na bahay dahil doon? Hindi ba sapat na katapat yaon ng inyong pangungulila sa akin? Anot isinusulat ni Ligaya sa akin ang pagiyak ni Inang kung ako ang napaguusapan.
Totoo, alam ko ang hirap na inyong inabot sa pagpapaaral sa akin ng medisina,iyon nga ang dahilan kung bakit tinanggihan ko ang inyong mungkahi na diyan na lang ako maglingkod sa ating mga kababayan.
Bakit,maibabalik ba ng itlog at manok, ng gulay at bungang kahoy ang inyong paghihirap upang akoy makatapos? Kasalanan ko ba kung akoy nahikayat ng magandang pangako ng bansang may dolyar? Ito ang dahilan kung bakit akoy di napigil sa kabila ng pagluha ni Inang.
Labingwalong taon ang itinigil ko sa lupang banyaga. Dito ko na rin inani ang inyong tubo sa puhunan. Marahil ngay nakalimot ako. Kaya naman ngayong ilang minuto na lang ay muling nagbabalik sa aking isipan ang ilang mahahalagang bagay na noon ay di ko nabigyan ng pagpapahalaga. Akala koy bahagi na lang sila ng nakaraan.
Subalit Ama, alam mo bang may magagandang pangyayari ring naganap sa akin sa panahong yaon ng pagkalimot?
Ama, hayun si Teresa, ang aking kabiyak, si Jennifer at John ang iyong mga apo. Sila nga Ama ang iyong natatanaw nanakaluksang bumababa sa eroplano. Maya maya mo na ako makikita. Lapitan mo sila Ama. Sila rin ay mahalagang bahagi ng aking buhay tulad ng Orion.
Noong isang Linggo ng umaga isang di inaasahang pangyayari ang dumating sa kanilang buhay. Sa mga panahon pa namang kailangan nila ako.
Huwag kang iiyak, Ama, bagkus hinihiling kong patatagin mo ang iyong dibdib. Kailangan mo ito sapagkat nais kong kasabay ng iyong pagpapatawad sa akin ay kalingain mo sila. Mahina si Teresa Ama. Hindi ko siya naihanda para sa pangyayaring ito.Alam kong itoy isang dagdag pa sa iyong mga dalahin. Subalit paano Ama ....paano?
Huling tanong aking ama...handa na ba ang Orion para sa kanila at para sa akin?
Ang iyong anak,
Bayani
(Para kayong nagbasa ng maikling kuwento sa Liwayway o Bulaklak,ano?
Puede na ba akong magpa publish sa local magazine? See you all next
year.
HOMEMADE TIKOY!!!
11 years ago
6 comments:
wow! emma! you're a literary genius! i salute you for this gem written in the literary style, which is yours and yours alone. unmistakably - EMMA RODRIGUEZ MAGPOC.
please get all of your manuscripts from your 'baul' and share them with us through our blog.
please! please!
Another very touching and beautiful poem written and composed by our beloved and very talented Emma.Naglalabasan na ang mga nakatago sa baul.Halos lahat na yata ng mga genius ay napunta sa batch 1963.I'm so proud to belong to our batch.Kaya lang napaiyak ako sa tula mo,kasi talagang nangyayari yan sa tunay na buhay.
Sino pa ba ang may mga itinatago sa baul?Ilabas na rin ninyo at nakaka enjoy magbasa.
By the way Emma, 8 months na lang magkikita uli tayo sa ilalim ng punong mangga.Kaya lang yung mga kuha natin nuon hindi ko pa naifoforward kay Luz para ilagay sa blog natin.Hindi kasi nagwork sa computer ni Luz yung mga CD na ginawa ni Rolly dahil sa sobrang dami.Bayaan mo iyan na ang next na gagawin ko.
Regards kay Fred at sa mga bata,kumusta rin kay Zeny.Take care and I'll see you soon.Nakapunta ba ang tropa sa lamay or libing nung kapatid ni Fredo?
Emma thanks a lot for this nice poem. Are there some more in your baul. Patuloy kang maghalungkat. Hindi ko alam na manunulat ka rin pala tulad ni Aida. Hope to read some more. Take Care and God Bless. Regards to our batch mate there in Orion.
Ay ano ba naman yan,Pilar,Nelia hindi tula yun.Thats a short story we are asked to write when we had a seminar on story writing with a local theme.In the same SINING SA KAKAHUYAN workshop,I had written also a new version of how Orion got its name.Naisip ko na mai share sainyo ang mga ito para maiba iba naman.Sana di maging corny para sa inyo.Hindi ako kasing galing na tulera (makata) tulad ni Aida.
Inggit na inggit kami upon seeing the pictures of Luzs visit there.However we are looking forward to see you come January 2010.Regards to all of you.....
Pasensiya ka na Emma,maganda kasi yung pagkakasulat mo kaya akala namin tula.Hindi bale kahit tula or story gusto rin naming mabasa at naiiba nga.Isulat mo nang isulat at hindi naman corny.
Yung bakasyon ni Luz,hindi lang siya ang nagenjoy ,kaming lahat.Mabuti naman at kahit papaano ay naishare namin sa inyo kahit sa mga pixs lang.Kung puwede nga sanang makapunta rin kayo rito di lalong masaya.Sabagay kahit saan naman tayo naanduon basta magkakasama ay masaya tayo.
OK,hihintayin namin ang iba pang laman ng baul,kaysa maluma lang sa taguan.See you in 2010.Regards to our batchmates.
Ay naku mali. Kuwento pala hindi tula. Sorry Emma.Kahit na ano pa iyan saludo ako sa iyo sa galing mong managalog at sumulat. Sumulat ka kaya ng libro. Sige patuloy lang ang pag post ng mga naisulat mo. Halungkatin mo sakailaliman ng iyong baul. Ipost mo ng hindi amagin diyan sa taguan mo. Masarap magbasa ng sinulat mo. Kaya huwag kang magatubiling magsulat ng magsulat at mag post dito sa blog natin.
Post a Comment