Abril 6, 1956, natatandaan ko pa na ilang araw lang ang nakakaraan matapos ang aming pagtatapos sa elementarya, isang malaking sunog ang halos tumupok sa lahat ng kabahayan sa aming Barangay Daan Bago at ilang bahagi ng karatig Barangay Lusungan at Wawa. Sa pamamagitan ng Social Welfare Administration o SWA na ngayon ay DSWD na, kami ay nabigyan ng isang napakaliit na tahanan kung saan ay siksikan kaming pitong magkakapatid kasama na ng aming mga magulang. Ang tanging ikanabubuhay ng aming ama para sa amin nuong mga panahong iyon ay ang kanyang pananakag ng hipon sa gabi na hindi inaalintana ang lamig ng gabi na sumisigid sa kanyang katawan para lamang mairaos ang mga kumakalam naming mga sikmura.
Pagkatapos ng elementarya, huminto ako sa aking pag-aaral at sumama ako sa basnig o fishing boat upang makatulong sa aking mga magulang. Sa mura kong edad ay nakaranas ako ng ibayong hirap sa trabahong iyon. Dahil dito ay naisipan kong ipagpatuloy ang aking pag-aaral upang sa hinaharap ay magkaroon ng magaan at maunlad na bukas. Sa pamamagitan ng aking tiyahing si Gng. Petronila Caling na isang guro nuon sa Arellano Memorial High School, Balanga, Bataan. Ito ang naging daan upang mapasama ako sa JRI class batch 1963.
Nuong mga panahong iyon ay likas ang aking pagiging mahiyain at ako ay may stage fright. Ang pagsali-sali ko sa mga drama na sinulat ng ating batikang direktor na si G. Ruben Roxas (SLN) ang siyang naging daan upang mawala ang kahinaan kong iyon. Ilan sa mga dulang iyon ay ang mga “Alamat Ng Everlasting” at “Ito Ba Ang Aking Bayan?”, “Kahit Na Sa Pangarap” kung saan kasama ko sina Corazon at Zenaida at ang ating dula na Hawaiian Legend nuong ating pagtatapos na pinagbidahan nina Corazon at Pareng Fredo Gabriel na “Ako'y Maghihintay”. Sadyang masarap gunitain at kaiga-igaya sa pakiramdam ang pagbabalik sa nakaraan kung saan halo-halo ang emosyong naramdaman at mga karanasang pinagdaanan. Hindi nga ba’t sinasabing ang high school ang pinakamasaya at pinakamasarap na yugto sa buhay ng isang mag-aaral. Kaya nga habang tinitipa ko ang makabagong talatipanan (kompyuter) ay hindi ko mapigilan ang matawa at mapahalakhak pa nga sa mga panahong ating pinagsamahan. Kung may tunay ngang makinang de oras (time machine) marahil ay ibinalik ko na iyon sa panahong tayo ay magkakasama. Kung kaya’t hindi mapapasubalian na ang ating pinagsamahan ay isang karanasang ating dadalhin lakip ang ligayang nadarama hanggang sa kabilang buhay.
Dahil nga sa pangarap kong maiahon sa hirap ang aking pamilya at dahil wala rin namang itutustos ang aking mga magulang sa pagpapatuloy sa kolehiyo, muli ay tinulungan ako ni Tiya Elang. Sinamahan niya ako kay Atty. Dioscoro Manrique na ang tanggapan ay nasa DasmariƱas, Sta. Cruz, Maynila upang maipasok sa trabaho at makapagpatuloy sa kolehiyo. Sa pamamagitan ni G. Tugonon na kaibigan ni Atty. Manrique, ako ay napasok na dyanitor sa Phil. Law School, Lacson College. Hindi ko malilimutan si Atty. Manrique hindi lamang dahil sa pagtulong niya sa aking makapagtrabaho at makapag-aral. Higit sa lahat ay sa isang ginintuang aral na magpahanggang sa ngayon ay nananatili pa ring sariwa sa aking alaala. Ang kanyang iniwang aral sa akin ay - “Sa lahat ng napakasarap isipin ay yaong mahirap ka at bigla kang nagkaroon ng kaluwagan sa buhay at ang napakasaklap namang gunitain ay yaong mayaman ka at bigla kang naghirap.”
Sadya yatang mapagbiro ang tadhana pagkat bago matapos ang unang semestre sa aking pinapasukan ay napagbintangan akong nagnakaw ng mikropono na nailagay lamang pala sa drawer ng aming chief janitor. “damage was done” ika nga kung kayat nagpaalam na lang ako sa pangulo ng Philippine Law School, Lacson College na si G. Rene Lacson.
Pumunta ako sa North Bay Boulevard, Navotas, Rizal na kung aking tagurian ay “The Boulevard of Broken Dreams.” Duon nakatira ang aking kapatid na si Nelda (sumunod sa akin) na bukas palad akong tinanggap. At dito ko rin nakilala ang aking naging kabiyak ng puso. Tunay nga pala ang kasabihan na “Kapag Ang Pag-Ibig Ay Pumasok Sa Puso Ninuman Hahamakin Ang Lahat Masunod Ka Lamang”. Sinabi ko ang mga bagay na ito sapagkat nung mga panahong iyon ay isang kinatatakutang siga ng Navotas ang aking naging karibal sa kanya, subalit hindi iyon naging hadlang upang akoy huminto ng panliligaw sa kanya hanggang sa makamit ko ang kanyang napakatamis na oo.
Upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral, nagbatilyo ako sa Navotas Fish Port. Nagbubuhat ako ng mabibigat na banyera ng isda at sinasalansan sa mga trak o dili kaya nama’y ibababa sa mga lantsa. Sa loob ng apat na taon kong pagtitiyaga ay natapos ko ang kursong Bachelor of Science in Commerce Major in Accounting sa FEU. Pagkatapos ng aking pag-aaral ay hindi na ako nakapag-review para sa board dahil napasok na ako sa Bataan Pulp and Paper Mills, Inc. sa Samal, Bataan bilang isang payroll clerk kung saan ako ay nagkaroon ng promosyon bilang payroll accountant. Dahil dito ay nagkaroon ng katuparan ang isa sa aking mga pangarap na maipagpatayo ko ang mga magulang ko ng isang tahanan na bagamat katamtaman lamang ang laki ay sapat na upang kami ay tumira sa isang mas disenteng tirahan.
Nuong mga panahong iyon ay aktibong aktibo ang Cursillo at ako ay inisponsor ng aking Supervisor na si Mr. Juanito Timbang na aking naging ninong din sa kasal sa kinalaunan. Ito ang naging daan upang maging aktibo ako sa gawaing ito at nagbigay ng “Rollo” o pangaral at nag “Rector” na rin na kung saan ang mga naging kandidato ay sina Pareng Rollie San Jose, si Bro. Ruperto Bagtas at Rolando Santiago (SLN). Ang pangalan ng aming samahan ay Apostolatus Maris Cursillo Team na halos mga tabing dagat ang mga kasapi. Isa sa naging proyekto namin nuon ay ang pagbibigay ng munting biyaya sa mga mahihirap sa pagsapit ng pasko. Ginagawa namin ito sa pagkakaroling sa kanilang mga tahanan at makikita mo sa kanila ang pag-aalumpihit sa pag-aabot ng halagang 25 sentimos na amin namang papalitan ng binalot naming kape, asukal, gatas bigas, sardinas at kung ano pang makakayanan namin at isang kalendaryo na hindi nila inaasahan at makikita mong sila’y lumuluha. Ito ay halos kung ilang pasko rin naming ginawa. Kitang-kita namin sa kanilang mga mukha ang kabiglaanan at kasiyahan sa pagtanggap ng aming munting nakayanan at kami naman ay ibayong kaligayahan ang nadarama kapag nakikita namin ang mga ganoong eksena. Sadya talagang masarap ang nagbibigay at tumutulong lalo sa mga higit na nangangailangan. Ang kaligayahang kapalit nuon ay higit pa sa anumang ligayang nadarama natin sa anupamang ligaya na maaari nating madama.
Isang pinagpalang araw para sa akin ang Nobyembre 28, 1976. Isang biyayang galing sa langit ang ipinagkaloob sa akin ng poong maykapal. Tumama ako ng first prize sa sweepstakes at ang biyayang iyon na aming natamo ay naging daan upang makatulong akong lalo sa mga nangangailangan at dahil dito ay isang Governor Humanitarian Award ang ipinagkaloob sa akin ng Mt. Samat Lions Club ng Bataan na hindi ko naman inaasahan.
Nagbitiw ako sa aking trabaho sa Bataan Paper Mills at ako ay nagnegosyo na lamang. Subalit sa kasawiang palad, hindi umunlad ang aking mga negosyo at halos lahat ng negosyong iyon ay nauwi din sa wala. Marami pang utang ang naiwan nito hanggang sa unti unti uli kaming naubusan at maisanla namin ang aming ipinagawang bagong tahanan sa DBP. Noong mga panahong iyon ay nag-aaral na ang 5 sa aking 7 anak. Sila ay mga nasa elementarya at high school na.
Ilang panahon pa ang lumipas at magkokolehiyo na ang aming panganay na anak. Lumalaki na ang aming gastusin at dahil dito ay pumapalya na rin kami sa aming paghuhulog sa DBP. Marahil ay kulang pa ang mga pagsubok na dinaranas namin. Sa kalaunan ang aking ina ay nagkaroon ng sakit na uremia na ang kawikaan nga ay sakit pang mayaman. Kailangan niyang sumalang ng 2 beses sa isang linggo sa dialysis. Nasabay din ang pagdating ng “Notice of Foreclosure” ng aming tahanan, mabuti na lamang at kakilala ni Kuya Ben Guzman ang manager ng DBP at sinamahan niya kaming makiusap na bigyan pa kami ng ilang buwang palugit pa. Ang tatlong malalaking problemang ito: ang DBP, ang aking ina na nangangailangan ng 2 beses na dialysis at ang napipintong pag-aaral sa kolehiyo ng aming panganay na anak ang nagtulak sa akin upang subukang magtrabaho sa Japan. Balitang-balita nuon ang malaking sahuran sa bansang iyon. Hindi opisina ang aming pinapasukan kundi construction at nakasama ko doon ang aking 3 kapatid na lalaki. Tulong-tulong kami sa pagbibigay ng pangtustos sa pagda-dialysis ng aming ina upang lumawig pa ang kanyang buhay. Nasimulan ko na ring hulugan uli ang aming utang sa DBP hanggang sa ito ay tuluyan na naming mabayaran at matubos ang titulo nito. Nakapag-aral din ng maayos ang aming panganay sa FEU ng Bachelor of Science in Nursing. Mahigit na 4 na taon na akong nagtatrabaho sa Japan bilang TNT nang dumating ang malungkot na balitang pumanaw na ang aming pinakamamahal na ina. Hindi ko man lamang nasilayan ang kanyang labi pagkat hindi kami karaka-rakang makakauwi sa dahilang kami’y overstayed na. Kaming lahat ay pawang mga TNT. Ilang araw ko ring iniluha ang kanyang pagpanaw at marahil dahil duon ay nagkaroon ako ng nerbiyos. At halos hindi ako makakain, hindi makatulog at hindi makapagtrabaho. May mga pagkakataon pang parang tumitigil ang pagtibok ng aking puso. Mahirap palang magkasakit kapag ikaw ay malayo sa iyong pamilya. Sari-sari ang iyong naiisip at marahil ay nakakadagdag pa ito sa aking nararamdaman. Labag man sa aking kalooban ang aking gagawin, dahil na rin sa 3 sa aking mga anak ay nasa kolehiyo na, sumuko ako sa Immigration Authorities upang makauwi. Sa aking pag-uwi ay nawala ang aking karamdaman. Dahil wala din akong hanapbuhay ay unti-unting naubos ang aming naipon at muli ay naisanla ko ang aming bahay upang huwag mahinto sa pag-aaral ang aming mga anak. Lumobong muli ang aming utang kung kayat napilitan akong muling bumalik ng Japan. Nakapatrabaho naman akong muli at nabayaran ko ang aming pagkakautang.
Sa aming trabaho ay taon-taon ang aming check-up. Sa isang check-up ko ay may naramdamang kakaiba ang doktor na tumingin sa akin kayat ako ay binigyan niya ng referral sa doktor sa baga. Sinamahan ako ng aming Mama Sang at nalaman kong parang may nakita silang parang tumor sa aking baga at ang doktor na iyon ay inirefer kami sa Cancer Center. Noong akong ako’y suriin sa Center na iyon, ang sabi niya 3 ang maaaring sakit ko: Pneumonia, PTB o Kanser. Dahil dito ay muli akong inatake ng nerbiyos. Matapos ang mahaba-habang pagsusuri, napag-alaman kong nagkaroon ako ng PTB dahil sa mga alikabok na nasagap ko aking pagtatrabaho. Sinabi nilang kinakailangan akong i-ospital duon subalit nakiusap akong bigyan na lang ng sertipikasyon na kailangan kong makauwi at makapagpagamot sa aming bayan. Ito’y dahil na rin sa napakahirap magkasakit sa ibang bansa na malayo ka sa iyong pamilya. 2 araw pagkatapos kong sumuko ay nakauwi na ako sa Pilipinas at agad ay kumunsulta kami ng aking maybahay kay Dr. Sanchez dala ang mga X-ray na galing sa Japan. Matapos ang anim na buwang pag-inom ng gamot ay naging clear na rin ang aking baga at tuluyan na akong gumaling.
Matapos ang ilang panahon ay nagkasunod-sunod na ang pagtatapos sa kolehiyo ng aking 3 Maria. Ang aking panganay na si Ma. Leonora ay nagtapos ng nursing at nakapasa sa CGFNS na naging dahilan upang makapagtrabaho sa Amerika at doon na manirahan kapiling ng kanyang asawa at 2 anak. Siya rin ang naging daan upang kami ng aking pinakamamahal na kabiyak na si Erlie ay duon na rin makapamuhay. Ang aking pangalawa na si Michelle ay nagtapos ng HRM sa UST at kasalukuyang Asst. Manager sa SM. Siya ay may sarili na ring tahanan sa Navotas kapiling ang kanyang 3 anak at asawa. Ang pangatlong Maria ay si May na ngayon ay guro dito sa ating bayan. Mayroon na rin akong 2 apo sa kanya. Sa kasalukuyan ay tapos ng lahat ang aking mga anak sa kolehiyo maliban sa 2 na hindi nakahiligan ang pag-aaral at nakatapos lamang ng high school.
Noong halalan ng Mayo, 1995, tumakbo ako bilang isang Indyependenteng Konsehal at pinalad na manalo. Maging nuong tumakbo ako ng 1998 at 2001 ay muli akong pinalad. Ang sabi ng mga matatanda sa amin, kasi daw ay maaga pa lang ay nakapagtanim na ako. Ibig sabihin pala ay kahit daw wala ako sa pulitika ay marami na akong natulungan.
Nakakaisang taon pa lang ako sa aking pangatlo at huling termino bilang Konsehal ng Bayan ay dumating na ang petisyon naming mag-asawa papuntang Amerika. Dahil na rin sa magandang pagkakataong ito na mabigyan ko pa ng higit na magandang kinabukasan ang iba ko pang mga anak, isinuko ko ang pagiging konsehal ko at pumunta kami sa Amerika. Isang malaking biyaya ang pagkakapanirahan namin dito, lalo pa nga at nangangailangan ng operasyon sa puso ang aking maybahay dahil sa kanyang rheumatic heart disease na natuklasan nuong siya ay labing-apat (14) na taong gulang pa lamang. Minsang siya ay hindi makahinga, kumunsulta kami sa Cardiologist at kinakailangan pa lang palitan ang dalawang balbula ng kanyang puso. Sa una ay natakot siya sa operasyon dahil nga sa bubuksan ang kanyang puso. Subalit sa paliwanag sa amin ng doktor na 95% ay matagumpay ang operasyon ay pumayag na rin siya. Nuong March 19, 2004, tapat sa pista ng San Jose ay naging matagumpay ang kanyang operasyon. Wala kaming ginastos ni isa mang sentimo dahil na rin sa aking health insurance. Kung nagkataong kami ay nasa Pilipinas pa, marahil ay nagkasanla-sanla na naman kami upang maitawid lang ang buhay ng aking one and only love. At dahil na rin sa kami ay narito, maging ang aking blood sugar ay bumaba. Lalo pa nuong ako ay nakapagtrabaho sa nursing home, natuto akong magdyeta . Mayroon pa akong isang trabaho na labis akong pinagpapawisan na nakatulong sa aking diabetes. Matapos ang isang taon ay normal na ang aking blood sugar kaya’t pinahinto na ako sa pag-inom ng aking mga gamot. Ito ay dahil lamang sa dyeta at ehersisyo. Nuong unang dumating ako dito ay 198 lbs. ngayon ay 170 lbs na lamang, ang baywang ko nuon ay 38” ngayon ay 34” na lamang.
Lahat ng ito ay ipinagpapasalamat namin sa ating Panginoong Diyos. Ang kasunod ng magandang biyayang dumating sa amin ay ang pagpasa ng aking bunsong anak na isa ring nurse na si Carlo sa CGFNS at ang paghihintay na lamang namin ng kanyang immigrant visa upang makasama na rin namin siya rito sa Amerika.
Sa edad ko ngayon na 62, marahil ay wala na akong mahihiling pa. Kung babalikan ko ang katagang binitiwan ni Atty. Manrique na nabanggit ko sa unang bahagi ng aking talambuhay, masasabi kong ang aking buhay ay akmang-akma sa kanyang tinuran. Kung muli nating babasahin ito, ang aking buhay sa piling ng aking mga magulang at ng aking sariling pamilya ay nagmistulang roller coaster. Minsang nasa baba, minsang nasa itaas. Subalit sa lahat ng pagsubok na ibinigay sa akin ng Poong Maykapal, ni minsan man ay hindi ako nawalan ng tiwala at pananalig sa kanya, bagkus sa bawat pagsubok na ito ay lalo pang humigpit ang kapit ko sa kanyang mga palad dahil alam kong sa lahat ng oras at sa lahat ng sandali Siya ang aking gabay at walang anuman siyang ibibigay na hindi ko kakayanin.
Marami akong natutunan habang ako ay dumaranas ng mga pagsubok sa aking buhay. Hindi ko isinuko ang aming mga pangarap. Lahat ng mga pagsubok na dumating sa aking buhay ay pinilit kong mapagtagumpayan. Naging matiyaga ako, masikap at laging nakatingin sa magandang bukas na darating. Hindi ko kailanman kinuwestyon ang Panginoon kahit pa sabay-sabay kung minsan ang pagdating ng mga pagsubok. Ang tangi ko lang alam ay ang pananalig na isang araw ay matatapos din ang lahat dahil alam kong ang ating Panginoon ay nariyan lamang at ang tangi Niya lang gusto ay mabigyan tayo ng buhay na maayos, masagana at maligaya. Marami akong nababasa na hindi kailanman ginusto ng Panginoon na magdahop sa hirap ang kanyang nilalang bagkus ay paginhawahin Niya ito at ibigay ang kaligayahan. Dahil ang biyaya ng Panginoon ay walang hanggan at habang tayo ay narito sa lupa, asahan nating lagi niya tayong gagabayan at pagpapalain. Sa Diyos ko lamang iniasa ang aking nakaraan kaya’t ang aking hinaharap ay sa Diyos ko pa rin inihahabilin at inilalaan.
Maraming salamat po sa ating Panginoong Diyos at maraming salamat din sa inyong lahat na naging bahagi ng aking kasaysayan.
Mike and Linda Cruz
Allison Marie and Alexa Sarah Cruz Alejo
Maria Cruz Alejo with her husband
Arnold Alejo 2 children and niece
Arnold Alejo 2 children and niece
Mike and Linda Cruz's Apos Rj, Coleen,
Marla, Lance, Mirielle & Arienne 01
Mike and Linda Cruz's Apos Rj, Coleen,
Marla, Lance, Mirielle & Arienne 02
Marla, Lance, Mirielle & Arienne 02
1 comment:
Pareng Mike,
Maraming salamat sa pagsasalaysay mo ng iyong talambuhay!
Tulad ko, ni Nelia, at iba pa nating mga kaeskuwela na dumaan sa maraming pagsubok at kahirapan, masasabi ko na mapalad pa rin tayo at kinasihan tayo ng Panginoon ng mabuting kapalaran.
Higit sa lahat, ang biyayang pagkakaloob ng magandang pamilya, malusog na katawan, at payapang pamumuhay ay sapat na para tayo'y mapagpasalamat sa Diyos.
Sana'y pagpalain ka pa ng mahabang buhay!
Ernie
Post a Comment