Wednesday, January 27, 2010

Mga Lumang Dasal




Sa mga pagtitipon-tipon ng Batch '63,maraming bagay ang napaguusapan. Isa na rito ang mga paraan kung paano tayo pinalaki ng ating mga magulang at mga lolo't lola. Maraming nakakatuwang kwento ang ibinahagi ng karamihan kung paano ang ipinadamang pag-aruga at pagmamahal ng ating mga lolo't lola. Ang dalawang dasal na ito ay sadya kong pinili upang itampok sa ating "blog". Isang magandang ala-ala ng mga Lola nina Josie at Perting. Ating dasalin at balikan ang ating kabataan .

Mula sa Lola ni Josie:

Hesus ako'y matutulog
Bendisyon yaring kumot
Nang di ako matakot
Sa masamang bungang-tulog.

Hesus ako'y hihiga na
Bendisyon yaring kama
Nang di ako magitla sa masamang ala-ala.

Umalis ka riyan, Demonyo
Hindi ka mananalo
Sa Santo at Santang Kalagyo ko.
Amen.

Mula sa Lola ni Perting:


Hesus, Maria, Josep
Iligtas mo ako sa panganib
Liwanagin mo yaring isip
Ituro mo ang daang matuwid.

Hesus,Hesus ako'y matutulog
Bendisyunan yaring kumot
Upang di ako matakot
Sa masamang bungang-tulog.

Demonyo, umalis ka rito
Sa bahay na tinutuluyan ko
Ang kahalili mo rito
Ay si Hesus Nazareno.
Amen.

Napakagaganda ng mga iniwang ala-ala ng ating mga magulang at ninuno . Ito marahil ang naging gabay ng lahat ng Batch "63 upang landasin ang matuwid na landas at abutin ang tagumpay.
Panawagan sa iba nating kaklase,ipadala ninyo ang mga kwento ,tula o dasal na itinuro ng mga mahal natin sa buhay upang maibahagi sa lahat sa pamamagitan ng ating blogsite.

No comments: